Bahay ng kagawad nasunog: 3 natusta!
MANILA, Philippines — Tatlong miyembro ng pamilya ang patay matapos na sumiklab ang apoy sa bahay ng isang barangay kagawad sa Molo District, Iloilo City nitong Sabado ng madaling araw.
Halos hindi na makilala ang bangkay ng mga biktima na sina Elizabeth Jetano, 65-anyos; anak nitong si Niel Gabriel, 27-anyos, at apong 10-anyos na batang babae.
Sa inisyal na ulat mula sa Iloilo City Operations Center, ang sunog na nagsimula dakong alas-4:42 ng umaga ay tumupok sa bahay ni Kagawad Nestor Jetano sa Zone 3, Brgy. Habog-Habog Salvacion, Molo District ng lungsod.
Nagawa namang makaligtas ng 91-anyos na biyenang lalaki ni Jetano na nailabas nila sa nasusunog na kabahayan sa tulong ng kanilang mga kapitbahay. Gayunman, nabigo nang masagip ang tatlo pa sa miyembro ng kanilang pamilya dahil nababalutan na ng apoy ang buong kabahayan.
Ang sunog ay mabilis na kumalat kung saan nadamay sa insidente ang 66 pang istraktura na mayorya ay mga kabahayang gawa sa mahihinang uri ng materyales.
Nasa 72 pamilya ang inilikas sa evacuation site sa Baluarte Elementary School at nanawagan ang pamahalaang lungsod ng karagdagang tulong sa mga nasunugang biktima na nataon habang nalalapit na ang Kapaskuhan.
Naapula naman ang sunog bandang alas-6:59 ng umaga matapos na magresponde ang mga bumbero. Kasalukuyan pa ring iniimbestigahan ang pinagmulan ng sunog.
- Latest