PNP bantay-sarado na sa buong bansa
Sa nalalapit na Simbang Gabi
MANILA, Philippines — Bantay-sarado na ang Philippine National Police sa mga simbahan at commercial establishments sa buong bansa sa pagsisimula ng Simbang Gabi sa susunod na linggo.
Ayon kay PNP Chief PGen. Benjamin Acorda Jr., inatasan na niya ang lahat ng kanyang ground commanders na palawigin ang “target hardening”simbahan na inaasahang dadagsain ng mga deboto para sa siyam na gabi bago ang Pasko.
Sinabi ni Acorda na kailangan na maging handa ang PNP sa anumang sitwasyon tulad ng nangyaring pagpapasabog sa Dimaporo Gymnasium sa Mindanao State University (MSU).
Kasalukuyang nagmimisa sa lugar nang mangyari ang pagsabog na ikinasawi ng apat katao at ikinasugat ng 50 iba pa.
Ayon naman kay PNP PIO chief PCol. Jean Fajardo na mas paiigtingin pa ang police visibility sa mga simbahan gayundin sa iba pang matataong lugar kabilang ang mga pamilihan, commercial center at tourist spots.
Nabatid na itinaas na ng PNP ang alerto sa Metro Manila na nangangahulugan na 75 porsiyento ng mga puwersa ng PNP ay nasa labas at nakakalat sa lansangan.
Pinalakas din ang mga checkpoint sa border Metro Manila at Bulacan at gumagamit din ng K9 teams sa mga bus terminals, malls, at iba pang matataong lugar.
Sa ngayon aniya, wala pang namomonitor na seryosong banta ang PNP sa Metro Manila at ang paghihigpit ng seguridad ay pagpapatuloy lang ng pro-active stance ng PNP.
- Latest