Walang ‘walking pneumonia’ outbreak sa Pinas - DOH
MANILA, Philippines — Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na wala pang outbreak ng walking pneumonia o ang tinuturing na malapit sa sintomas ng COVID-19 sa Pilipinas.
Ito ang tiniyak ni Herbosa sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng mga naoospital dahil sa matinding ubo, sipon at mga nagpopositibo sa COVID-19 kabilang na si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. Sa kanyang pagsalang sa Commission on Appointment (CA) nitong Martes, sinabi ni Herbosa na may outbreak na ng respiratory illness o tinatawag na micro plasma pneumonia sa China at Europe lalo na sa mga bata.
“Totoo po not only in China but now other countries in Europe have recorded increase in respiratory illness in children. Attributed po ito sa hindi bagong virus, previous microbes, microplasma pneumonia, ‘yung Respiratory Syncytial Virus at saka ‘yung influenza,” sagot ni Herbosa sa tanong ni Senador Bong Go, chairman ng CA Committee on Health.
Subalit, paliwanag ni Herbosa, iba ang sitwasyon sa Pilipinas kung saan marami ang nagkakaroon ng ubo at sipon dahil sa malamig na panahon.
“Sa Philippines po, wala pang outbreak according to our epidemiology bureau, although marami ang cases because ito po talaga yung season ng respiratory illness,” ani Herbosa.
Payo naman ng kalihim sa publiko, sundin lang ang health protocol noong COVID-19 pandemic.
- Latest