38 bagong immigration officers, ikakalat sa airports
MANILA, Philippines — Puspusan ngayon ang pagsasanay ng bagong batch ng mga immigration inspectors sa Bureau of Immigration Academy (BIA) sa Clark, Pampanga na itatalaga sa mga airports bago sumapit ang Kapaskuhan.
Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco na nasa 38 immigration officers, immigration assistants, administrative aides at officers at fingerprint examiners ang nagsasanay sa Philippine Immigration Academhy (PIA).
Itatalaga sila na mga frontliners sa panahon ng Pasko, habang ang ibang mga trainees naman ay magsisilbing mga acting immigration officers para sa kanilang mga augmentation teams.
Bukod sa mga aralin ukol sa mga batas sa immigration ng bansa, nakapaloob din sa pagsasanay ang tinatawag na “soft skills” o ang kakayahan na maayos na humarap sa publiko partikular sa mga biyahero.
“Matapos ang mga isyu na hinarap namin, nakita namin na kailangan na palakasin ang mga soft skills kung saan sasanayin ang mga frontliners sa komunikasyon, customer service, at conflict resolution,” ayon kay Tansingco.
Magtatapos ang naturang batch sa Disyembre 11, at inaasahan na agad silang maitatalaga sa mga airports matapos ang kanilang graduation.
- Latest