4 araw na tigil pasada ikakasa ng Piston
MANILA, Philippines — Apat na araw na tigil pasada sa buong bansa bilang protesta sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan sa susunod na linggo ang ikakasa ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON).
Ayon sa PISTON, ang isasagawa nilang transport strike ay isasagawa mula Lunes (Nobyembre 20) na tatagal hanggang Huwebes (Nobyembre 23) ilang linggo bago ang deadline ng gobyerno na hanggang Disyembre 31, 2023 para makasunod sa panuntunan ng modernisasyon ng tradisyunal jeepney.
Ang PUV Modernization Program ay nagsimula noong 2017 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte upang i-phaseout na ang mga tradisyunal na jeepney na papalitan ng Euro 4 compliant engine upang umano’y mabawasan ang polusyon pero inirereklamo ng mga driver at operators dahilan aabot ito ng P2-M ang halaga.
Inihayag ng mga transport officials na ang mga tradisyunal na jeepneys ay maaaring makapag-operate kahit tapos na ang deadline basta’t ang mga ito ay sumapi sa kooperatiba sa transportasyon upang maiwasan ang kumpetisyon sa lansangan ng mga drivers at operators.
Magugunita na una nang itinakda ng pamahalaan ang Hunyo 30, 2023 bilang palugit sa PUV Modernization Program pero pinalawig ito hanggang sa katapusan ng taon matapos mag-anunsyo ng transport strike mula Marso 6-12 , 2023.
Pansamantala namang ipinahinto ang isang linggong transport strike matapos naman ang mga kinatawan ng PISTON at Manibela ay makipagpulong kay Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cheloy Garafil at sa Office of the Executive Secretary Undersecretary Roy Cervantes.
- Latest