Oil tanker nasunog: 2 patay, 2 missing
MANILA, Philippines — Patay ang dalawang katao habang dalawa ang nawawala, nang masunog ang isang oil tanker habang nakadaong sa Batangas kahapon ng umaga.
Ayon kay Joselito Sinocruz, manager ng Port of Batangas, natagpuan ang mga bangkay ng mga biktima sa loob ng barko ngunit hindi pa nakikilala ang mga ito.
Bukod aniya sa mga namatay at nawawala, may isa pang tripulante ang nasa malubhang kalagayan at isinugod na sa pagamutan.
Aniya, isang oil tanker ang nasunog at may sakay itong pitong tripulante, ngunit sa pagkakaalam umano niya ay wala itong lamang langis at nakaangkla lamang sa lugar.
Habang isinusulat ang balitang ito ay wala pa namang inilalabas na kumpirmasyon ang Philippine Coast Guard (PCG) hinggil sa dalawang namatay sa sunog sa oil tanker.
Batay naman sa ulat ng PCG sa kanilang social media page, alas-9:00 ng umaga nang sumiklab ang sunog sa Motor Tanker Sea Horse sa Alpha Anchorage Area sa Batangas.
“A vessel, Motor Tanker Sea Horse caught fire around 9AM today, 22 October 2023 at Alpha Anchorage Area, Batangas,” ulat ng PCG.
Sa ulat ng Coast Guard Station (CGS) Batangas, nabatid na tinawagan sila ng Vessel Traffic Management System-Batangas upang i-report ang naturang insidente.
Kaagad din namang nakipag-ugnayan ang PCG sa Bureau of Fire Protection (BFP) at Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) upang rumesponde.
Nasa tatlong tugboat na malapit sa lugar at kinabibilangan ng Great Lark, Sedar 7 at Sedar 8 ang tumulong naman upang apulahin ang sunog at alas-11:08 ng umaga nang tuluyang maapula ang apoy.
- Latest