Malakas na campaign jingles, bawal saa city hall, ospital at simbahan
MANILA, Philippines — Mahigpit na ipinagbabawal ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City ang malakas na pagpapatugtog ng mga campaign jingles sa tapat ng kanilang city hall, mga ospital at iba pang lugar.
Kahapon ay pinaalalahanan ni Muntinlupa Mayor Ruffy Biazon ang mga kandidato sa siyudad para sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections (BSKE) na huwag magpatugtog ng malalakas na “campaign jingle” sa tapat ng Muntinlupa City Hall o sa mga ospital.
Ikinatwiran ni Biazon na ang malalakas na campaign jingle ay nakakaabala sa trabaho at pulong sa city hall habang nakakaistorbo naman ito sa pagpapahinga ng mga pasyente ng Medical Center Muntinlupa, ang ospital na katapat ng city hall.
“Para sa mga kandidato na nagpapa ikot ng sound system: paki abisuhan po ang mga operator nyo na hinaan ang volume kapag dumaraan sa harap ng city hall at Medical Center Muntinlupa,” post ni Biazon sa kaniyang Facebook account.
Pinagsabihan din ni Biazon ang mga kandidato na hinaan ang kanilang mga jingles sa bisinidad ng iba pang ospital at health centers, mga pook-sambahan, eskwelahan, at day care centers.Kung sa mga residential areas naman mangangampanya, dapat ikonsidera rin ang mga oras kung kailan nagpapahinga na ang mga tao.
- Latest