Oil Deregulation Law, ipinababasura ng transport group
MANILA, Philippines — Dahil sa taas-babang presyo ng petrolyo sa bansa ay ipinababasura ng isang transport group sa pamahalaan ang Oil Deregulation Law.
Ayon kay Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) National President Mody Floranda, bigo ang naturang batas na maideliber sa mga mamamayan ang orihinal nitong pangako na pabababain ang presyo ng langis sa bansa, sa pamamagitan ng unrestricted trade.
Sa halip, nabigyan lamang aniya ang mga kumpanya ng langis ng kalayaan na magtaas ng presyo ng petrolyo nang walang pangangasiwa ng pamahalaan.
“Panawagan natin sa gobyerno, baka kailangang tanggalin ang Oil Deregulation Law dahil ito ang sanhi ng taas-babang presyo ng petrolyo sa bansa,” pahayag pa ni Floranda.
Dagdag pa ni Floranda, ang P1 provisional fare increase ay bahagya lamang na makakatulong sa mga drivers, lalo na ngayong umabot na sa P19 kada litro ang itinaas ng gasolina.
Matatandaang una nang inaprubahan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang P1 provisional increase sa minimum fare para sa public utility jeepneys (PUJs), epektibo kahapon, Linggo, Oktubre 8.
Kasunod na rin ito nang pagdinig sa pagitan ng LTFRB, ilang transportation at commuter groups sa hike petitions na isinumite dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.
- Latest