Nipah virus ‘di makakapasok sa Pinas
MANILA, Philippines — Hindi makakapasok sa Pilipinas ang mapanganib na Nipah virus makaraang makontrol na umano ng India ang outbreak nito.
Ito ang paniwala ni health expert na si Dr. Rontgene Solante, pangulo ng Philippine College of Physicians.
Sa datos, dalawa ang naitalang nasawi at apat ang nadagdag na kaso ng impeksyon mula noong nakaraang buwan sa India.
Sinabi ni Solante na mas madaling bantayan ang naturang virus dahil sa uri ng sintomas nito at bibihira rin umano ang naitatalang outbreaks ng naturang virus.
Nakatala sa World Health Organization (WHO) ang Nipah virus na isa sa mga sakit na nangangailangan ng prayoridad na pagsasaliksik dahil sa potensyal na magdulot ng pandaigdigang epidemya. Kasama nito sa talaan ang Ebola, Zika at COVID-19.
Naikakalat ang Nipah sa tao mula sa mga hayop, partikular sa mga paniki at sa kontaminadong pagkain.
Maaari rin itong direktang mailipat ng isang maysakit na tao sa kapwa tao.
Kasama sa mga sintomas nito ang matinding lagnat, pagsusuka, respiratory infection, habang ang mas malubhang kaso ay nagkakaroon ng pagkahimatay, brain inflammation na nauuwi sa coma.
Mayroon umanong mortality rate ang virus ng mula 40% hanggang 75% depende sa kalusugan ng pasyente.Wala pang nalilikhang bakuna laban sa Nipah.
- Latest