Bus terminal grinanada, 9 bus wasak
MANILA, Philippines — Bahagyang nawasak ang 9 bus nang hagisan ng granada ang terminal ng hindi pa kilalang salarin kahapon ng madaling araw sa bayan ng Laurel, Batangas.
Ayon kay P/Major Francisco Luceña, Laurel police chief, umaabot sa 9 bus ng Magnificat Transport Cooperative ang nagtamo ng minor damages mula sa pagsabog.
Wala namang naiulat na namatay o nasaktan sa nasabing insidente.
Batay sa inisyal na ulat, bandang alas-3:50 ng madaling araw nang magising ang security guard na si Albert Serrano dahil sa malakas na pagsabog sa loob ng compound ng bus terminal sa Barangay Bugaan East.
“Posibleng may kinalaman ito sa bagong lipat na bus cooperative dito sa Laurel na hindi nagustuhan ng grupo ng mga magta-tricycle at mga jeepney operators at drivers,” ani Major Luceña.
Ani Luceña, ang Magnificat Transport Cooperative ay unang itinatatag sa kalapit na lungsod ng Tanauan hanggang inilipat sa bayan ng Laurel noong July 2023.
Ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Project ay inilunsad ng local government unit (LGU) sa koordinasyon na rin ng Magnificat Transport Cooperative.
Ang naturang mga PUVs ay may mga technological features tulad ng Global Positioning System (GPS), CCTV cameras, automatic fare collection system at free wireless internet connection.
Sa bagong PUV ang mga driver ay makakatanggap ng fixed salary at hindi na “boundary system.”
May linya ang mga bagong PUV sa kahabaan ng A. Mabini Avenue sa Tanauan hanggang Talisay-Laurel Road at vice-versa na umano’y naging banta sa mga drivers at operators ng conventional jeepneys. — Doris Franche-Borja
- Latest