Lalaking guro inaresto sa panghahalay sa 11-anyos na estudyante
MANILA, Philippines — Inaresto ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation (NBI) ang lalaking guro nang ireklamo nang paulit-ulit na panghahalay sa kaniyang 11-taong gulang na babaeng mag-aaral sa isang motel sa Valenzuela City at maging sa loob ng pinapasukang paaralan.
Ito ay makaraang magsampa ng reklamo ang ina ng Grade 5 pupil nang panggagahasa sa bata matapos dalhin ng 32-anyos na suspek sa isang motel sa Valenzuela City.
Nabatid na inihatid mismo ng suspek ang bata sa bahay niya sa Cavite kinabukasan makaraan ang panggagahasa.
Dito nabatid ng magulang ng biktima ang ginawang panghahalay sa kaniya kaya’t humingi sila ng tulong sa NBI-National Capital Region na siyang umaresto sa suspek.
Sa imbestigasyon, bukod sa panghahalay sa motel ay ilang beses na ring hinalay ng suspek ang biktima sa loob ng kaniyang tanggapan sa pinapasukang paaralan.
Narekober pa sa posesyon ng biktima ang isang banig ng pills na ipinainom ng asawa ng suspek sa bata makaraang malaman na may nangyayari sa kaniyang mister at sa estudyante.
Katwiran sa mga otoridad ng suspek, may relasyon umano sila ng kaniyang estudyante at mahal umano niya ito kaya niya nagawa na makipagtalik sa menor-de-edad.
Sa kabila nito, tuloy ang paghahain ng kasong rape laban sa suspek at damay rin sa kaso ang misis niya na nagpainom ng pills sa bata.
Inirereklamo rin ng mga magulang ng biktima ang paaralan dahil sa dito nangyari ang mga insidente ng panggagahasa at wala umanong komunikasyon o tulong na ipinaabot sa kanila ang prinsipal nito.
- Latest