Rice traders tutulong para sa murang bigas
EO ni Pangulong Marcos sa price ceiling sinuportahan
MANILA, Philippines — Makikipagtulungan ang Philippine Rice Industry Stakeholders Movement (PRISM) sa pamahalaan para mabigyan at makabili ng murang bigas ang mga mamimili.
Ito ang sinabi ng asosasyon ng rice traders matapos aprubahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang Executive Order No.39 na nagtatakda sa presyo ng bigas sa P41 kada kilo sa regular milled rice at P45 sa kada kilo ng well milled rice.
Sinabi ni Rowena Sadicon, lead convenor ng PRISM, hangad ng kanilang hanay na mabigyan ng tamang presyo ang mga mamimili.
Giit ni Sadicon, patulong silang nakikiusap at nakikipag-usap sa pangulo at sa Department of Agriculture (DA) dahil nais lang nila ay magkaroon ng maayos na bigas sa ating pamilihan, na mabigyan natin ng tamang presyo, na kung ano po ‘yung hinihiling sa kanila
“Maaari pong hindi maintindihan ng lahat sa simula pero eventually po sa sama-samang pagtutulong ng ating mga kasamahan sa industriya ng bigas ay mapapagtagumpayan din po lahat ito at maihahain po natin sa ating mga consumers ang ating murang bigas, na ito po ang layunin ng ating Pangulo,” dagdag ni Sadicon.
Inamin naman ni Sadicon na may mga negosyante ang pumalag sa utos ni Pangulong Marcos, subalit umaasa siya na maiintindihan ng mga miyembro ng PRISM ang hakbang na ito ng punong ehekutibo.
- Latest