3 Barangay. tanod patay sa pamamaril, suspek todas din
MANILA, Philippines — Namatay noon din ang tatlong barangay tanod na rumesponde sa kaguluhan matapos pagbabarilin ng isang lalaking nambugbog ng kapitbahay na napatay rin nang manlaban umano sa mga pulis sa Cainta, Rizal, kamakalawa ng gabi.
Ang mga biktimang nasawi dahil sa mga tama ng bala sa likod at dibdib ay kinilalang sina Romeo Cortez; Roberto Donor; at Ronnie Gonzales, miyembro ng Barangay Peacekeeping and Safety Officer (BPSO) ng Brgy. San Juan, sa Cainta.
Napatay rin ng mga pulis ang suspek na si James Jazmines, nang ito umano ay manlaban habang inaaresto.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, bago naganap ang krimen, alas-4:30 ng hapon sa tahanan ng suspek na matatagpuan sa Greenland Subdivision, Myrtle St., boundary ng Brgy. Sta. Ana, Taytay, at Brgy. San Juan, Cainta, Rizal ay nakatanggap ng reklamo ang mga barangay tanod hinggil sa ginawang pambubugbog ng suspek sa kanyang kapitbahay.
Nagtungo ang mga barangay tanod sa bahay ng suspek upang imbitahan ito sa barangay kaugnay ng kinakaharap na reklamo subalit nagbunot ito ng baril at pinagbabaril ang mga BPSO na agaran nilang ikinasawi.
Pagdating ng mga rumespondeng pulis sa crime scene ay kapwa patay na ang mga biktima habang nagtatago naman sa loob ng kanyang bahay ang suspek.
Nakipagnegosasyon ang mga pulis para sumuko ang suspek ngunit inabot na ng anim na oras ay hindi pa rin ito lumalabas ng bahay kaya’t pinasok na ang bahay nito ng assault team ng SWAT.
Gayunman, pagpasok pa lang umano ng mga pulis ay kaagad na rin silang pinaputukan ng suspek kaya’t tinaman sa pisngi ang isang miyembro ng SWAT team.
Napilitang gumanti ng putok ang mga pulis at napatay ang suspek, na nagtamo ng tama ng bala sa dibdib.
- Latest