‘Di ejectment case ang Taguig—Makati row
MANILA, Philippines — Hindi ejectment case ang kaso at malinaw ang desisyon ng Korte Suprema na turnover ang dapat na gawin ng lungsod ng Makati.
Ito ang naging pahayag ni dating Press Secretary Trixie Cruz Angeles at tama ang posisyon ng Taguig City na hindi kailangan ng writ of execution para iimplementa ang takeover ng Taguig sa EMBO barangays.
Sa kanyang vlog post na Luminous ay hinimay ni Angeles ang usapin ng turf war sa pagitan ng dalawang lungsod.
Ipinaliwanag ni Angeles na isang abogado na kung titignan ang 53 pahinang desisyon ng SC sa nasabing kaso ay walang basehan ang argumento ng Makati na magkaroon muna ng transition period.
Aniya, malinaw ang utos ng hukuman kaya turnover ng hurisdiksyon ang dapat na gawin ng alkalde at itinuring din nito na walang legal basis ang nakuhang opinyon ng Makati City mula sa Office of Court Administrator (OCA) na nagsasabing kailangan muna ng writ of execution.
Aniya, ang writ of execution ay sa ejectment case, halimbawa, mayroong umuupa sa iyong property na gusto mong paalisin, kahit mayroon nang desisyon at nanalo sa hukuman, kailangan pa rin ng writ of execution para mapaalis mo yung nakatira sa iyong property, hindi ejectment case ang Taguig-Makati row.
Ipinaliwanag ni Angeles na “stop exercising jurisdiction” agad ang desisyon ng Supreme Court sa territorial dispute dahil sa umpisa pa lamang ng kaso ay mayroon nang ipinalabas na Temporary Restraining Order (TRO) ang Pasig City Regional Trial Court.
Sa July 8, 2011 decision ni RTC Pasig City Branch 153 President Judge Briccio Ygaña, ang Fort Bonifacio Military Reservation kabilang ang Parcels 3 at 4, Psu-2031 ay kumpirmadong bahagi ng territory ng Taguig.
Ayon kay Angeles, noong 1994 pa ay dapat hindi na nag-exercise ng jurisdiction ang Makati sa Embo Barangays dahil mayroon nang TRO sa umpisa pa lamang ng litigation ng kaso, kaya sa naging desisyon ng SC noong 2022 ay ang kautusan nito ay turnover ng jurisdiction matapos manalo na ang Taguig.
Ani Angeles, kung may kuwestiyon ang Makati ukol naman sa mga gusali na kanilang pagmamay-ari gaya ng school buildings, hospital at iba ay maaari itong dumulog sa SC sa pamamagitan ng isang clarificatory petition subalit pagdating sa kung sino ang nagmamay-ari ng teritoryo ay malinaw na ito ay sa Taguig.
- Latest