MC taxi pilot study balak ipatigil ng solon
MANILA, Philippines — Binabalak ipatigil ni SAGIP Partylist Rep. Rodante Marcoleta ang Motorcycle Taxi Pilot Study na isinasagawa ng Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr).
Sa hearing ng House Committee on Transportation, kinuwestiyon ni Marcoleta kung bakit nagpapatuloy pa rin ang nasabing MC Taxi Pilot Study gayong base sa isang report ay dapat nagtapos na ito noong 2021. Mainit ding tinanong ni Marcoleta ang mga kinatawan ng TWG kung bakit tatlong players lamang ang natanggap sa nasabing pilot study gayong may pito raw na nag-apply.
“So anong gagawin niyo, Mr. Chairman of the TWG, para hindi naman kayo mapagsuspetsahan na mayroon kayong kinikilingan? Ang direksyon, hindi niyo pa nga alam kung hihinto kayo. Kung gusto niyo, pahintuin na muna natin ngayon. Effective today para lang sabihin natin na parehas na lang ang labanan. Pwede ba?” tanong ni Marcoleta. Paliwanag ni LTFRB Chair Teofilo Guadiz, na siya ring Chairman ng DOTr-TWG, tatlo lang ang nakapasa sa vetting process ng gobyerno kaya sila lamang ang nabigyan ng special provision to operate.
Dagdag pa ni Guadiz, may ilang requirements din sila sa mga players tulad ng pagkakaroon ng sariling training facility, insurance para sa rider at pasahero, at pagpasa sa mga exam.
Kuwento ni Marcoleta, may kakilala siya na nag-apply sa MC Taxi Pilot Study pero hindi man lang nakatanggap ng sagot mula sa TWG. Siya pa raw mismo ang nag-review ng documents at requirements at nakita niyang pasado at kumpleto naman lahat. Kaya naman pinapa-justify ng nasabing Congressman sa TWG kung talaga bang may maayos itong vetting process at pinapagpaliwanag nito kung paano lumaki ang rider allocation ng nasabing pilot study ng hindi inaabisuhan ang Kongreso.
Sa kabilang banda, umapela si LTO Chief at TWG Vice Chair Atty. Vigor Mendoza sa Kongreso na huwag munang itigil ang nasabing Motorcycle Taxi Pilot Study.
- Latest