Pinsala sa agri ng bagyong Egay at Falcon, lumobo pa ng halos P1 bilyon
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng National Disaster Risk Reduction and management Council (NDRRMC) na nadagdagan pa ng halos P1 bilyon ang iniwang pinsala ni super typhoon Egay, bagyong Falcon at monsoon rains sa sektor ng agrikultura matapos na magdulot ng malawakang pagbaha sanhi ng malalakas na pag-ulan.
Bunsod nito, sinabi ng NDRRMC na umakyat na sa may P 2.75 bilyon ang kabuuang pinsala na iniwan ng kalamidad sa agrikultura. Nitong nakalipas na Biyernes ay nasa P1.93 bilyon ang napaulat na pinsala sa agrikultura.
Ang kalamidad ay nag-iwan ng 29 patay,165 sugatan at 11 pa ang nawawala habang nasa 285,202 pamilya o katumbas na 3.03 milyong katao ang naapektuhan.
Sa mga naitalang nasawi, 27 dito ang patuloy na isinasailaim sa beripikasyon na karamihan ay sa Cordillera Administration Region (CAR).
Ang bagyo at monsoon rains ay nakaapekto sa 117,033 magsasaka at mga mangingisda habang nasa 143,429 namang hektarya ng mga pananim ang nawasak.
Samantalang ang pinsala sa imprastraktura ay nasa P3,631,012,164.44 na napaulat mula sa Region 1, Region 2, CALABARZON, MIMAROPA, Region V at Region VI, Region VIII, Region XI, Region X11 , Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at CAR.
- Latest