Public transport ‘di mapipilay — LTFRB
Contingency plan kasado sa 3 araw na tigil-pasada…
MANILA, Philippines — Hindi gaanong makakaapekto sa mga commuter ang nakaambang 3-day transport strike ng grupong MANIBELA.
Ito ang kumpiyansang sinabi ni Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chair Teofilo Guadiz.
Anya, kung pagbabasehan ang nauna nang transport strike ng naturang grupo, maaaring nasa 3-4% lang ang mga jeepney driver na makikisali rito sa Metro Manila, at Region 4 na maliit na bilang lang at hindi makakaparalisa sa pampublikong transportasyon.
Nagpahayag na rin aniya ang pitong malalaking transport group kasama ang UV Express na hindi makikilahok sa tigil-pasada.
Sa kabila nito, nakalatag na ang contingency measures ng ahensya upang maalalayan ang mga pasahero.
Kasama rito ang pagde-deploy ng libreng sakay at rescue buses sa mga rutang posibleng mawalan ng bibiyaheng jeepney.
Nakipag-ugnayan na rin ito sa PNP para mabantayan ang kaligtasan ng bawat tsuper at pasahero partikular sa ilang key areas na may banta ng pambabato, paglalagay ng spike sa kalsada, at pangha-harass sa mga tsuper para lang lumahok sa strike.
Nagbabala rin si Chair Guadiz sa mga sasali sa strike na mahaharap ang mga ito sa sanctions kabilang ang suspensyon o revocation ng kanilang prangkisa.
- Latest