Jad Dera, 5 NBI security officers kakasuhan ng DOJ
MANILA, Philippines — Nakatakdang kasuhan ng Department of Justice (DOJ) sa korte ang inmate na si Jad Dera at limang tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng nadiskubreng paglabas-pasok sa bilangguan ng una.
“After evaluation of the evidence, the assigned prosecutor found sufficient evidence to hold the respondents for trial,” ayon sa pahayag ng DOJ.
Partikular na sasampahan ng kasong paglabag sa Article 223 ng Revised Penal Code (infidelity in the custody of prisoners) ang NBI security officer na si Randy Godoy, habang kasong paglabag sa Article 156 (delivery of prisoners from jail) ang ihahain naman laban kay Dera, at mga jail officers na sina Arnel Ganzon, Diana Rose Novelozo, Lee Eric Loreno, King Jeroh Martin at Pepe Piedad Jr.
Ayon sa DOJ, mayroong probable cause sa paghahain ng kaso nang makumpirma na inudyukan ni Dera ang kaniyang mga bantay na makalabas siya ng detention facility ng maraming pagkakataon.
Partikular dito ang paglabas ni Dera noong Hunyo 20-21 na nakunan ng CCTV video na kumakain sa restoran ng isang hotel sa Makati City kasama ang kaniyang kasintahan.
Matapos na maaresto, nasamsam kay Dera ang P101,000 habang nakumpiska kay Godoy ang P10,000, P11,000 kay Veloso, na “tila bayad ng mga respondents para sa pag-escort kay Dera mula sa detention facility.”
Ihahain ang naturang mga kaso sa Manila Metropolitan Trial Court.
- Latest