PAGs nire-recruit ni ex-Vice Mayor Mudjasan para sa BSKE — PNP
MANILA, Philippines — Upang maging kasapi ng private armed groups (PAGs) na posibleng gamitin sa nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) ay nagre-recruit umano ng mga sibilyan si dating Maimbung, Sulu vice mayor Pando Mudjasan.
Ito ang inihayag ni Philippine National Police (PNP) spokesperson Police Col. Jean Fajardo kaya nagsagawa ng operasyon ang pulisya laban kay Mudjasan.
“Naglunsad nga po ng law enforcement operation ang pinagsanib na puwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines dahil na-monitor po natin na nagre-recruit na po ito ng mga armed civilian,” ani Fajardo.
Ayon kay Fajardo, kina-classify na nila itong potential armed groups na pinaniniwalaang gagamitin sa papalapit na BSKE.
Matatandaang una nang sinabi ng PNP na nasa 48 private armed groups ang kanilang namomonitor kung saan tatlo ang aktibo habang 45 potential groups na matatagpuan sa Ilocos, Central Luzon, Bicol, Western Visayas, Caraga, Cordillera, at sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa ngayon ay pinaghahanap na ng mga otoridad si Mudjasan na nakatakas sa gitna ng bakbakan na nagresulta sa pagkamatay ng isang miyembro ng Special Action Force at 4 nitong tauhan.
- Latest