Pagtaas ng COVID case ramdam ng PGH
MANILA, Philippines — Kasabay nang pagtaas ng mga kaso sa Metro Manila ay inamin ng tagapagsalita ng Philippine General Hospital (PGH) na tumataas din ang bilang ng mga pasyente na naa-admit sa kanilang COVID-19 wards.
Sinabi ni PGH spokesperson Dr. Jonas del Rosario na nasa 60 pasyente ang naka-admit sa kanilang COVID wards mula sa 10 lang noong nakaraang linggo.
Karamihan sa mga pasyenteng na-admit ay iyong may mga comorbidities. Ilan sa kanila ay aksidente lamang ang pagkakatuklas ng COVID-19 makaraang maisugod sa ospital sa ibang sakit at magpositibo nang isailalim sa COVID-19 screening.
Sinabi pa ni Del Rosario na marami sa mga pasyenteng ito ay bakunado na ngunit hindi naman tumanggap ng booster shot. Mayroon ding ilan na talagang hindi nagpabakuna laban sa virus.
Kung tuluyang tataas pa ang mga kaso, sinabi ni Del Rosario na handa sila na gawin munang COVID beds ang ilan nilang mga ordinaryong hospital beds, maging ang iba nilang mga kuwarto.
Una nang nagsabi ang Private Hospitals Association of the Philippines, Inc. (PHAPI) ng pagtaas ng mga pasyenteng naa-admit sa mga miyembro nilang ospital.
- Latest