Gen. Durante, 6 pa iko-court martial sa Plaza murder
MANILA, Philippines — Anumang araw mula ngayon ay sisimulan na ng Philippine Army (PA) ang court martial proceedings laban kina Brig. Gen. Jesus Durante III at anim na iba pa bunsod ng kasong pagpatay sa negosyante at modelo na si Yvonette-Chua Plaza sa Davao City noong nakaraang Disyembre 2022.
Ayon kay Army spokesperson Col. Xerxes Trinidad, tapos na ang muling pag-aaral sa administrative liability nina dating hepe ng 1001st Infantry Brigade commander, deputy commander na si Col. Michael Licyayo at limang enlisted personnel na sina Staff Sergeants Gilbert Plaza at Delfin Sialsa Jr.; Corporals Adrian Cachero, Rolly Cabal at Romart Longakit. Sangkot din ang isang “Alias Jr.” at “Alias Master Sergeant”.
Nabatid kay Trinidad, ang kaso ay naisumite na sa General Court Martial na pinamumunuan ni Court President, Maj. Gen. Jose Eriel Niembra, kasalukuyang 10th Infantry Division commander.
Ang mga ito ay nahaharap sa kasong paglabag sa Article of War 96, at Article of War 97.
Sina Durante at Licyayo ay inilipat at kasalukuyang nakapiit sa Eastern Mindanao Command headquarters sa Camp Panacan sa Davao City nitong Lunes.
Matatandaang binaril nang malapitan si Plaza ng riding-in-tandem sa harap ng kanyang bahay sa Barangay Sto. Niño, Tugbok District noong Disyembre 29, 2022.
- Latest