LGU hiniling na ipasara ang top tourist destination sa Nueva Ecija
MANILA, Philippines — Dahil umano sa paglabag sa iba’t ibang environmental laws ay hiniling ng mga lokal opisyal sa lalawigan ng Nueva Ecija na isara ang isang kilalang tourist destination sa lalawigan.
Nanawagan ang mga local officials ng lalawigan sa Department of Environment and Natural Resources na bawiin ang kasunduang pinasok nito sa isang pribadong kumpanya na nag-o-operate ng Minalungao National Park.
Sa tatlong pahinang apela sa DENR, sinabi ni General Tinio Municipal Mayor Isidro Pajarillaga na ang Ground-Air Logistics Corporation (GALCO), na siyang nag-o-operate sa Minalungao National Park, ay walang mga kaukulang business permits, kabilang na ang building at occupancy permits at ilang natural rock formations sa loob ng parke ang inalis upang bigyang-daan ang kanilang infrastructure projects, na malinaw na pagsira sa protected areas sa nasabing parke na matatagpuan sa General Tinio, Nueva Ecija.
Noong 2003, ang DENR na kinatawan ni Protected Area Management Board (PAMB) chairman at Regional Executive Director Regidor De Leon, ay lumagda ng memorandum of agreement (MOA) kasama si GALCO Vice President for operations Rey Aviles, upang ipreserba, i-develop, i-operate at i-manage ang recreational park sa loob ng 25-taon.
Tiniyak naman ni DENR officer Artemio Almazar na rerebyuhin nito ang kasunduan na pinasok sa GALCO.
- Latest