Missing na Cessna plane sa Isabela, natagpuan na
Anim sakay patay lahat
MANILA, Philippines — Patay lahat ang anim na katao na sakay ng Cessna 206 plane na bumagsak sa lalawigan ng Isabela matapos ang halos 44 araw na paghahanap dito na natagpuan sa masukal na bahagi ng Sierra Madre, Divilacan sa Isabela.
Ayon kay Atty. Constante Foronda, Isabela provincial disaster risk reduction management officer at incident management team commander, nakita ng mga rescue team ang nawawalang eroplano sa magubat na bahagi ng Brgy. Ditarum.
Kasabay nang pagkadiskubre sa pinagbagsakan ng eroplano ay nakita rin ang anim na mga sakay nito na sina Capt. Eleazar Mark Joven; mga pasaherong sina Tommy Manday; Val Kamatoy; Mark Eiron Seguerra; Xam Seguerra at Josefa Perla España na pawang mga patay na.
Ayon naman kay Engineer Ezikiel Chaves, Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Divilacan, na agad nagpadala ng karagdagang pwersa para tumulong sa retrieval operation.
Dahil sa hirap ng daan at lokasyon sa lugar ay tinatayang aabot ng 3 araw bago maibaba ang mga bangkay ng mga biktima sa bayan ng Divilacan.
Agad din umanong nakilala ang mga bangkay ng mga kamag-anak na sumama sa 44 araw na paghahanap sa nawawalang eroplano.
Napag-alaman na umabot naman sa 500 katao mula sa iba’t ibang sektor ng gobyerno, pribado, volunteers at mga kamag-anak at kakilala ang nanatili ng mahigit isang buwan sa kagubatan ng Sierra Madre para tumulong sa paghahanap sa mga biktima.
Matatandaan na ang Cessna 206 plane na may tail number RPC 1174 ay patungo sana sa bayan ng Maconacon mula sa airport ng Cauayan City sa lalawigan ng Isabela nang mawala ang kontak sa nasabing eroplano noong Enero 24 . — Victor Martin
- Latest