P101 milyong sibuyas at asukal nasabat sa Manila port
MANILA, Philippines — Mahigit sa P101 milyong puslit na sibuyas at asukal mula sa China na ipapasok sa bansa ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC).
Nadiskubre ng BOC ang mga smuggled agricultural products na nagkakahalaga ng P101,641,350 sa 17 shipments sa Manila International Container Port (MICP) sa serye ng physical examinations na isinagawa noong Pebrero 27 hanggang 28, 2023.
Ilang containers na karamihan ay mula sa China at dumating sa Manila Port mula Disyembre 29, 2022 hanggang Pebrero 12, 2023, ang nadiskubreng naglalaman ng mga misdeclared at undeclared items, gaya ng pula at puting sibuyas, mushroom balls, at asukal.
Sinabi ni Deputy Commissioner for Intelligence Juvymax Uy na ang mga intelligence officials at personnel sa ilalim ng pamumuno ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ay mabilis na umaksiyon upang masuri ang mga naturang containers.
Nakatuklas naman ang mga nakatalagang Customs examiners ng mga pula at puting sibuyas, mushroom balls, at asukal sa mga shipments ng tatlong local consignees, na kinabibilangan ng RYY Consumer Goods Trading, MFBY Consumer Goods Trading, at M.S. Fab Builder.
Ang mga Alert Orders (AOs) ay kaagad ring inisyu matapos na makatanggap si Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso ng “derogatory information” hinggil sa laman ng mga containers.
Kaagad rin anilang maglalabas ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang District Collector laban sa mga naturang smuggled onions at asukal para sa posibleng paglabag ng mga ito sa batas.
- Latest