Wanted poster ng 6 akusado sa ‘missing sabungeros’, inilabas
MANILA, Philippines — Upang agad na masakote ay isinapubliko na ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang wanted poster ng anim na security guards na umano’y sangkot sa pagkawala ng anim sabungero sa Manila Arena sa Sta. Ana, Maynila noong 2022.
Makikita ang larawan ng mga wanted na security guards sa Facebook post ng CIDG na sina Julie Patidongan; Gleer Codilla; Mark Carlo Zabala; Virgilio Bayog; Johnry Consolacion; at Roberto G. Matillano Jr., matapos na ilabas kamakalawa ng Manila RTC ang warrant of arrest para sa kasong kidnapping at serious illegal detention.
Ang paglalabas ng wanted poster ay kasunod ng pakikipagpulong ng CIDG kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla at sa pamilya ng anim na sabungero na kung saan ay nag-alok ang una ng P6 milyong pabuya para sa ikaaaresto ng anim na akusado.
Umaasa si CIDG director BGen. Romeo Caramat, Jr. na sa pamamagitan ng mga posters at sa impormasyon, mapapabilis ang pagtunton sa pinagtataguan at agarang pagkahuli ng mga akusado.
Kabilang sa anim na sabungero na nawawala ay sina John Claud Inonog; Marlon Baccay; at kapatid na si James; Mark Joseph Velasco; Rondel Cristorum; at Rowel Gomez, pawang taga-Sampaloc at Tanay, Rizal.
Ang anim na biktima ay nawala mula nang magtungo sila sa cockfighting tournament sa Manila Arena noong Enero 13, 2022.
Ayon kay Caramat, ilalagay ang poster sa lahat ng PNP unit, transport terminals, social media at website ng CIDG para sa kanilang ikadarakip.
Nilinaw ni Caramat na ang insidente ng pagdukot sa Maynila ay isa lamang sa walong kaso na hawak ng Task Force Sabungero.
- Latest