Freelance workers bibigyan ng proteksiyon at karagdagang benepisyo
MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang ipinasa ng Kamara nitong Miyerkules na magbibigay ng akmang proteksiyon, karapatan at ibayong mga pakinabang sa mga ‘freelance workers’ o mga libreng manggagawa sa bansa na nagtatrabaho para sa mga kumpanya ngunit hindi nila empleyado.
Pangunahing inakda ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na chairman ng ‘House Ways and Means Committee’ ng Kamara ang ‘Freelance Workers Protection Act’ (HB 6718) na layunin na isulong ang proteksiyon, karapatan, kagalingan at ibayong mga pakinabang ng mga ‘freelancers’ kasama ang ‘mandatory hazard pay and night shift differential pay.’
Sa ilalim ng panukalang batas, kailangang may pirmadong kontrata ang ‘freelance workers’ at mga humihirang sa kanila kung saan malinaw na nakasaad ang mga kondisyon ng pagkakahirang sa kanila, ang mga tungkulin nilang gagampanan, ang bayad at ibang pakinabang nila, ang tagal ng kanilang pagseserbisyo, ang mga batayan ng paglabag sa kontrata at iba pang kundisyon na ipag-uutos ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nauna nang naipasa ng Kamara ang panukalang batas noong Marso 2021 sa ilalim ng ika-18 Kongreso, ngunit hindi ito naisabatas.
“Kung itoý maisasabatas, kapwa may hawak na pirmadong maliwanag na kontrata ang ‘freelancer’ at humihirang sa kanya kung saan maliwanag na nakasaad ang mga serbisyong gagampanan ng ‘freelance worker,’ ang TIN, ang detalye ng pagbabayad at mga benepisyo para sa kanya, ang mga batayan ng paglabag sa kontrata, at iba pang mga kundisyon na ipag-uutos ng DOLE,” paliwanag ni Salceda.
- Latest