Laundry shop sumabog: 16 sugatan
MANILA, Philippines — Labing-anim na katao kabilang ang ilang estudyante ang nasugatan sa naganap na pagsabog sa isang laundry shop at nagdulot ng isang sunog sa malapit sa De La Salle University (DLSU) sa Malate, Maynila kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Manila Police District- Malate Police Station 9 (PS-9), ilan sa nasugatan na pawang isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) ay sina Julius Opaque, 47; Marilyn Viray, 51; Clarence Cabrera, 28; Jimmy Cabrera, 33; Dionisio Aguinsatan, 51; Janine Aguinsatan, 31; at Jaille Fito, 43.
Naisugod naman sa Adventist Medical Center ang mga biktimang sina Ken Santos, 19; Ten Pizaña, 18; Freddey Boy, 46; Reuben Burgenio, 20; Ocena Larlena Shane Costaños, 17; Angel Vivas, 56; at Jose Luis Mattias Montila, 18.
Dinala sa Ospital ng Maynila ang mga biktimang sina Almonsor Panda Moro, 20; at Alyssa Paliwan Concha, 27.
Ang mga biktima ay mga tauhan ng laundry shop, at mga kostumer at tauhan ng restaurant at bilyaran na malapit dito.
Kabilang din sa mga biktima ay mga estudyanteng boarder ng dormitoryo at isang napadaan lamang sa lugar.
Sa imbestigasyon, alas-7:20 ng gabi nang maganap ang pagsabog sa 360 Wash and Laundry Shop na matatagpuan sa 2223 F. Reyes St., kanto ng Noli Agno St. sa Malate, na pagma-may-ari ni Sofia Ana Maria Ascaño.
Nagulantang na lamang umano ang biktima nang biglang may sumabog sa loob ng laundry shop at nang tingnan ang kanilang mga sarili ay pawang duguan na sila.
Mabilis din namang nakaresponde ang mga tauhan ng Manila Fire Department upang apulain ang apoy, na naideklarang fireout dakong alas-7:34 ng gabi at naiwasan na kumalat sa ibang establisimiyento.
Ayon kay MPD Director PBGen Andre Dizon, nagkaroon ng gas leak sa LPG tank ng laundry shop na nagresulta sa pagsabog.
Isa umano sa idineliber na LPG tank ay hindi maayos na naikonekta ng nagdeliber kaya hinihinala na dito nagmula ang pagsabog.
Nangako naman ang may-ari ng laundry shop na sasagutin ang gastos sa pagpapagamot sa mga biktima ngunit pinag-aaralan pa rin ng pamilya ng mga ito ang posibleng pagsasampa ng kaukulang kaso.
- Latest