Ex-PSG chief itinurong utak sa pagpatay sa Davao City model-trader
MANILA, Philippines — Si dating Presidential Security Group (PSG) commander Brig. Gen. Jesus P. Durante, pinuno ng 1001st Infantry Brigade ay itinurong utak sa pagpatay sa negosyante at modelong si Yvonnette Chua Plaza sa Davao City noong Dec. 29, 2022.
Sa isang press conference, sinabi ni Major Eudisan Gultiano, spokesperson ng Special Investigation Task Group (SITG), na kinasuhan na nila ng kasong murder si Durante at walong miyembro ng 1001st Infantry Brigade na kasama sa pagpatay.
Kinilala ang mga suspek na kinasuhan ay sina brigade deputy commander Col. Michael D. Licyayo; Staff Sgt. Gilbert Plaza; Staff Sgt. Delfin Llarenas Sialsa Jr.; Corporal Adrian N. Cachero; Private First Class Rolly Cabal; Private First Class Romart Longakit; Noel H. at isa pang “Master Sargeant,” na escort ni Durante, dagdag na kasong obstruction of justice, kina Licyayo at Plaza.
Ayon kay Gultiano, kinilala ng isang testigo si Sialsa na siyang gunman at si Cachero ay driver ng motorsiklo habang si Licyayo ang siyang nagbigay ng detalye kung saan nakatira ang biktima bago isinagawa ang pagpatay.
Idinagdag pa ng mga suspek sa pag-iimbestiga sa kanila na si Durante ang nag-utos sa kanila na patayin si Plaza.
Matapos ang pamamaril kay Plaza sa labas ng inuupahang bahay nito sa Green Meadow Subdivision, Brgy. Santo Niño, Tugbok District, ay inutusan si Japitan na baklasin at palitan ng kulay ang motorsiklo.
Narekober ng mga otoridad ang nawawalang cellphone, handbag, ID at credit card ni Plaza sa mga suspects kaya’t dagdag na kasong pagnanakaw ang isinampa kina Plaza at Cachero.
Magugunita na noong nakalipas na taon ay nagposte si Plaza sa kanyang Facebook account, ang kanyang mukha ay may mga pasa na umano’y kagagawan ni Durante na kung saan ang mga larawan ay nag-viral bago mamatay.
Narekober rin sa laptop ni Plaza ang mga larawan at email ni Durante sa kanya.
Ayon kay Brig. Gen. Benjamin Silo Jr., Police Regional Office-Davao director, na ang palitan ng mensahe ay nagkukumpirma na may relasyon sina Plaza and Durante at base sa mga testimonya ng mga saksi na may mga pagkakataon na si Durante ay nagseselos.
Una nang itinanggi ni Durante sa mga panayam sa kanya noon na may kinalaman siya sa pagpatay kay Plaza. - Doris Franche-Borja
- Latest