Online retailers na walang price tag, binalaan
MANILA, Philippines — Binalaan ni House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libanan (4Ps Partylist) ang mga online retailers na hindi naglalagay ng price tags sa kanilang mga produkto sa gitna na rin ng tinaguriang ‘last minute holiday online shopping rush.’
Ayon kay Libanan, isang uri ng paglabag sa batas ang hindi paglalagay ng presyo at sa halip ay magsasabi na lamang ng PM o private message sa mga potensyal na buyers.
Sinabi ni Libanan, na sa ilalim ng Consumer Act of 1992 ang isang produkto ay hindi maaring ibenta sa mas mataas na presyo na nakalagay sa price tag nito.
Pinuna ni Libanan na maraming mga online retailers o ang mga nagbebenta sa social media platforms ang patuloy na nagdi-display ng kanilang mga produktong ibinebenta pero wala itong mga price tag.
Binigyang diin nito na ipinasa ng Kongreso ang Consumer Act o Republic Act No. 7394 upang tiyakin ang transparency sa presyo at maprotektahan ang publiko laban sa pang-aabuso sa sobrang taas ng presyo o overpricing.
- Latest