Bantag nananaksak kapag lasing
2 inmate pumiyok
MANILA, Philippines — Dalawang lider ng gang sa New Bilibid Prison (NBP) ang pumiyok at nais din nilang sampahan ng kaso si suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief Gerald Bantag matapos umano nitong saksakin sila habang lasing sa loob ng national penitentiary.
Kinilala ang mga nagrereklamo na sina Ronald Usman at Jonathan Cañeta na nagtamo ng saksak sa braso at binti.
Sa kwento ng dalawa, nangyari ang insidente noong Pebrero 1 nang ipatawag sila ni Bantag sa kanyang opisina kung saan naroon din ang 11 iba pang mga gang kumander, habang nakikipag-inuman si Bantag.
Ani Cañete, isa-isa silang nilapitan ni Bantag at tinusok umano siya nito ng blade sa dibdib at nang masaktan ay sinangga niya kaya naman napikon umano si Bantag saka siya sinaksak sa leeg.
Habang si Usman naman ay tinusok sa kamay. Pansamantalang sinuspinde si Bantag sa kanyang puwesto dahil sa pagkakasangkot umano nito sa pagpatay sa broadcaster na si Percy Lapid. Sinabi ng dalawang bilanggo na may isang “Zulueta” ang lumapit sa kanila kinabukasan at binayaran sila ng tig-P50,000 para manahimik.
Hindi nila nilinaw kung sino ang opisyal ngunit sinabing malapit na kaalyado ni Bantag si Deputy BuCor Security Officer Ricardo Zulueta.
Ayon kay BuCor OIC Gregorio Catapang, kusang nagreklamo ang 2 inmate at hindi nila inutusan ang mga ito. Inihahanda na umano nila ang complaint-affidavit laban kay Bantag.
“Lahat ng nilabas may ebidensya hindi ito planted. Evidence-based wala naman tayo pina-plant dito. Sila poproteksyunan namin para ma-safe sila, hindi puwede saktan ng kahit sinuman,” aniya.
Samantala, nagpalabas na ng immigration look-out bulletin (ILOB) ang Bureau of Immigration (BI) laban kay Bantag at dating deputy security officer Ricardo Zulueta na ipinatupad noon pang Disyembre 9.
Ayon sa Department of Justice, naniniwala sila na may posibilidad na umalis ng bansa sina Bantag at Zulueta kaya inilabas ang nasabing kautusan. — Danilo Garcia
- Latest