50 milyong pasahero dumagsa sa mga pier, naitala
MANILA, Philippines — Umabot sa 50 milyong pasahero sa mga pantalan sa bansa ang naitala ng Philippine Port Authority (PPA) kabuuan ng taong 2022.
Ayon kay PPA General Manager Atty. Jay Santiago, sa kanilang pagtataya ay maaring pumalo sa 57 milyon ang kabuuang bilang ng mga pasaherong dadaan sa mga pantalan sa katapusan ng buwan.
Katumbas ito ng mahigit 200 porsyentong dagdag na pasahero kung ikukumpara noong 2021 na nakapagtala ng 22 milyong pasahero sa mga pantalan.
Ang pagdagsa ng mga pasahero ay maaaring dulot umano ito ng pagsigla ng transportasyon dahil sa pagluwag na ng protocols ng pamahalaan sa pagbiyahe hindi tulad ng paghihigpit sa nakalipas na dalawang taon.
Mahigpit pa rin ang payo ni Santiago sa mga sasakay sa mga barko na palagiang magsuot ng face mask lalo na kung nasa airconditioned section.
- Latest