‘Chikungunya’ sa bansa sumipa na sa 500 — DOH
MANILA, Philippines — Umaabot na mahigit 500 ang kaso ng sakit na chikungunya ang naitatala sa bansa, kumpara sa nakalipas na taon, ayon sa Department of Health (DOH) kahapon.
Sa pinakahuling Disease Surveillance Report ng DOH, mayroong 551 kaso na naiulat mula Enero 1 hanggang Nobyembre 5, 2022 na nasa 589% ang itinaas kumpara sa 80 kaso ng chikungunya na naiulat sa parehong panahon noong nakaraang taon.
May pinakamataas na mga kaso ang tatlong rehiyon kung saan nanguna ang CALABARZON na may 154; Central Visayas (114); at Davao Region (104).
Lumalabas din na ang CALABARZON ang nagtala ng pinakamatinding pagtaas kung ikukumpara noong 2021 ay nasa 5033% o 3 hanggang 154; Western Visayas na 1625% o 4 hanggang 69; at Central Visayas na 936% o 11 hanggang 114.
Gayunman, wala o zero deaths naman ng chikungunya ngayong taon gaya rin ng nakaraang taon.
Ang isang chikungunya virus ay kumakalat sa mga tao sa pamamagitan ng kagat ng isang nahawaang lamok. Nagdudulot ito ng lagnat at matinding pananakit ng kasu-kasuan bagamat bihira naman ang nagreresulta sa kamatayan, ayon sa World Health Organization.
- Latest