Mga biktima ni ‘Paeng’ maaari nang mag-avail ng calamity loans sa Pag-IBIG
MANILA, Philippines — Inihayag kahapon ng pamunuan ng Home Development Mutual Fund o Pag-IBIG na maaari na umanong mag-avail ng calamity loan ang mga naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Paeng.
Ayon kay Pag-IBIG Fund public affairs manager Jack Jacinto, aabot sa 344,000 miyembro ng Pag-IBIG ang naninirahan sa mga lugar na sinalanta ni Paeng.
Sinabi ng opisyal na ang loanable amount sa ilalim ng calamity loan program ay hanggang 80% ng savings ng miyembro at mayroong interest rate na 5.95% per annum.
Maaari aniyang bayaran ng miyembro ang naturang loan sa loob ng tatlong taon.
Kuwalipikado aniyang mag-aplay ng calamity loan ang mga aktibong miyembro na may 24 buwang halaga ng kontribusyon sa Pag-IBIG Fund.
Kabilang sa mga requirements sa pag-avail ng loan ay ang filled up at signed application form ng nag-a-aplay na miyembro na sinertipikahan ng employer nito.
Ang mga self-employed members naman aniya ay kailangang magprisinta ng kanilang proof of income.
Kailangan rin umano ng aplikante na magprisinta ng balidong ID, gayundin ang kanyang Pag-IBIG Loyalty Card Plus o cash cards ng Landbank, Development Bank of the Philippines, at United Coconut Planters Bank, kung saan idedeposito ang maaaprubahang halaga ng loan. - Angie dela Cruz
- Latest