Pag-hostage ng morgue sa mga patay gagawing krimen
MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang inihain sa Kamara na nagpaparusa sa mga negosyante at mga empleyado ng mga morgue at funeral parlors na masasangkot sa pag-hostage o pagpigil sa mga bangkay na mailabas dahilan sa hindi nababayarang mortuary services ng naulilang mga pamilya.
Sa ilalim ng House Bill (HB)1292 na inihain ni Makati City Rep. Luis Campos Jr., ang sinumang empleyado o opisyal ng mga morgue o punerarya na tatangging palabasin ang mga bangkay dahilan sa kabiguan ng pamilya ng mga ito na magbayad ng mortuary services ay makukulong ng anim na buwan at magmumulta ng P50,000.00.
Alinsunod sa HB 1292, hindi makatarungan na ang mga morgue at punerarya na nagsasagawa ng pag-iimbalsamo, paglilibing at cremation services ay pigilan ang pagpapalabas ng mga bangkay direkta man o hindi dahilan sa kabiguan ng pamilya na bayaran ang gastusin sa mortuary services.
Isinasaad sa HB 1292 na maaaring kunin ng naulilang pamilya ang mga bangkay kahit na hindi ang mga ito nakabayad sa mortuary services, basta makumpleto ang release papers at makagawa ng promisory note na may co-maker basta’t mangakong babayaran ng paunti-unti ang serbisyo ng mga kinauukulan.
Ang taong 2021 ay tinaguriang ‘deadliest’ sa kasaysayan ng Pilipinas matapos umabot sa 879,429 ang namatay sa bansa at maging sa mga Pilipino sa ibayong dagat base sa rekord ng Commission on Population and Development.
Ang Department of Health (DOH) naman ang mamahala sa pagpapatupad ng nasabing mga probisyon.
- Latest