31 katao sa Mindanao patay kay ‘Paeng’
MANILA, Philippines — Bunsod ng flashflood at landslide sa Maguindanao dala ng bagyong Paeng ay umakyat na sa 31 katao ang iniulat na nasawi.
Ayon kay Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Interior and Local Government Minister Naguib Sinarimbo, 16 ang nasawi mula sa Datu Odin Sinsuat, 10 sa Datu Blah T. Sinsuat at lima sa Upi, 7 naman ang sinasabing nawawala sa Datu Blah.
Ayon pa kay Sinarimbo, inilikas ang mga katutubo matapos ma-washed out ang isang komunidad sa Barangay Kusiong na nasa paanan ng Mount Minandar sa Datu Odin Sinsuat.
Patuloy ang rescue operation sa Barangay Pura habang patuloy na nararanasan ang pagbaha sa Cotabato City na umabot na sa mga bubungan ng mga bahay.
Ilan pa sa mga apektado ng bagyo ay ang Parang, Sultan Mastura, Sultan Kudarat, Cotabato City, Datu Odin Sinsuat, Dati Blah Sinsuat, Upi, South Upi, Northern Kabuntalan at Guindulungan. Bunsod nito, nagdeploy na ang local na pamahalaan sa mga apektadong lugar.
Batay sa pinakahuling PAGASA bulletin, namataan si Paeng sa layong 220 kilometers ng east northeast ng Borongan City, Eastern Samar o 305 km east ng Catarman, Northern Samar, na may lakas na hangin na 75 km per hour.
Patuloy ang pagkilos ni Paeng hanggang Linggo kung saan magla-landfall ito sa east coast sa Quezon at Polillo Islands.
- Latest