Pinas nangunguna sa global disaster risk index
MANILA, Philippines — Batay sa pinakabagong ulat ng World Risk Index, ang sumusukat sa pagkakalantad at kahinaan ng isang bansa sa mga natural na panganib ay nangunguna ang Pilipinas sa listahan ng mga global disaster risk hotspots.
Sa pag-aaral ng Germany-based na Bundnis Entwicklung Hilft at ng Institute for International Law of Peace and Armed Conflict (IFHV) sa Ruhr University Bochum, nakita na ang Pilipinas ay nakakuha ng index score na 46.82.
Isa rin ang Pilipinas sa mga bansang natukoy na delikado sa mga sakuna dulot ng matinding natural na pangyayari na kinabibilangan ng lindol, bagyo o pagbaha.
Pumangalawa ang India sa index score na 42.31, pumangatlo ang Indonesia na may 41.46 at pang-apat ang Colombia sa 38.37. Ang Mexico, Myanmar, Mozambique, China, Bangladesh at Pakistan ay naging bahagi din ng nangungunang 10 bansa sa mundo na may pinakamataas na marka ng panganib sa kalamidad.
Ang mga “risk hotspot” ay sinasabing matatagpuan sa Americas at sa Asia. Tiningnan sa pag-aaral kung paano ang 193 mga bansa ang mas madaling magkaroon ng mga sakuna gamit ang isang na-update na index.
Nakatuon din ang ulat ngayong taon sa kung paano makakatulong ang digitalization at mga bagong teknolohiya sa mga bansa na maghanda para sa mga natural na kaganapan at lumikha ng mga sistema upang tulungan ang mga apektadong komunidad.
Ang Pilipinas ay tinatamaan ng average na 20 bagyo bawat taon at heograpikal na matatagpuan sa Pacific Ring of Fire. Noong 2021, ikawalo ang Pilipinas sa risk index na may markang 21.39 at ikasiyam sa mga bansang may pinakamataas na pagkakalantad sa kalamidad.
- Latest