Broadcaster killing lutasin sa loob ng 24 oras - NCRPO
MANILA, Philippines — Binigyan ng 24 oras ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Police Brig. Gen. Jonnel Estomo ang pamunuan ng Las Piñas police na lutasin ang kaso ng pamamaslang sa veteran broadcaster na si Percy Lapid.
Si Lapid o Percival Mabasa ay pinagbabaril ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek sa gate ng BF Resort Village in Talon Dos, Las Piñas, alas-8:30 kamakalawa ng gabi.
“I have given the investigator and the chief of police Police Colonel Jaime Santos, 24 hours to shed light on the matter and solve the case. We assure to provide an update as soon as available,” ani Estomo.
Ayon kay Estomo, tinitiyak niya na magiging mabilis ang pagresolba sa kaso at maibibigay ang karapat-dapat na hustisya sa pamilya ni Lapid.
Tinitignan na ng mga imbestigador ang lahat ng mga posibleng motibo sa pagpatay kay Lapid kung saan nakikipag-ugnayan na rin sila sa pamunuan ng village para sa mga closed circuit television.
Bumuo na rin ng Special Investigation Task Force-Lapid ang mga pulis mula sa Criminal Investigation and Detection Group-National Capital Region (CIDG) at Intelligence Group of the Philippine National Police.
Tiniyak din ni Estomo na magiging patas ang imbestigasyon at agad na ipaalam ang mga development sa kaso.
Ayon sa salaysay ng ilang saksi, minamaneho ni Lapid ang kanyang kulay itim na Toyota Innova na may plakang NGS 8294 nang banggain ang kanyang sasakyan mula sa likuran ng isang kulay puting Toyota Fortuner kasabay ng pagbaril naman ng suspek na nakasakay sa motorsiklo sa biktima na agad nitong ikinamatay.
Mabilis na nagsitakas ang mga suspek sa hindi malamang direksyon matapos ang insidente. - Doris Franche
- Latest