Mandatory drug test sa mga artista suportado ng PNP
MANILA, Philippines — Dapat lang sumailalim sa drug test ang mga artista sa telebisyon at radyo bago bigyan ng pelikula at ibang proyekto.
Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin, Jr. at suportado nila ang panawagan ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na mandatory drug tests dahil nagsisilbing modelo ang mga ito sa publiko.
Ayon kay Azurin, umaapela siya sa mga malalaking television network gayundin ang actors guild na magkusang kumilos at maipakita ang tulong sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal drugs.
“We encourage yung mga giant networks, even yung actors’ guild. Sila na magkusa parang nang sa ganun ay maipakita nila na tumutulong sila sa ating kampanya laban sa illegal na droga,” ani Azurin.
Inaasahan din niya ang boluntaryong pagpapasailalim sa drug tests ng mga artista na indikasyon na malinis at hindi sangkot sa paggamit ng droga.
Ang aksiyon ng PNP ay kasunod ng pagkakaaresto sa aktor na si Dominic Roco at apat pa sa isinagawang anti-drug operation sa Quezon City, kamakailan.
- Latest