Nananamantala na mga negosyante patawan ng mabigat na parusa
MANILA, Philippines — Mas mabigat na parusa ang ipataw sa negosyanteng magsasamantala sa tuwing may kalamidad at malawakang emergency tulad ng pandemya at bagyo.
Sa inihaing Senate Bill 1302 ni Senador Imee Marcos, aamyendahan nito ang Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines kung saan paparusahan nito ang mga mapanlinlang at unfair na pagtatakda ng presyo ng produkto kapag may kalamidad.
Sa ilalim ng panukala ang parusa ngayon na limang buwan hanggang isang taon na kulong ay iaakyat sa dalawang taon na pagkakakulong, habang ang multa naman na P500 na paglabag ay iaakyat sa P1 milyon.
Ayon kay Marcos, ang panukala ay isinulong dahil sa nakita na sa mga nakaraang pagkakataon tuwing may kalamidad ay mayroong nagsasamantala, tulad noong bagyong Odette noong nakaraang taon.
Ang presyo ng gasolina noon ay nasa P60 hanggang P80 kada litro, subalit nagkaroon ng mga ulat na may retailers na nagbebenta ng gasolina sa P90-P100 kada litro.
Iniulat din ang pag doble ng presyo ng kada kilo ng baboy mula sa P230 kada kilo ay may nagbenta ng P400 kada kilo.
- Latest