Mga patay ginagamit ng foreigners para makakuha ng Government ID
MANILA, Philippines — Ginagamit umano ng ilang foreigners ang pagkakakilanlan ng mga patay na tao para makakuha ng government issued identification cards sa Pilipinas.
Ito ang ibinunyag ni Senador JV Ejercito sa ginanap na pagdinig ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs ni Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa bansa at paghikayat na rin sa Philippine National Police (PNP) na paigtingin ang operasyon laban sa mga nasabing criminal activities.
Giit ni Ejercito na marami ang mga foreign nationals partikular na mula sa mainland China ang pumasok sa bansa na gumagamit ng identities ng mga patay na tao para maikonsidera silang Filipino citizens.
Kinumpirma rin ni Fortunato Manahan Jr., OIC deputy commissioner ng Bureau of Immigration (BI) na mayroon silang mga pinadeport na foreign nationals dahil sa paggamit ng mga pekeng pasaporte at marriage certificates.
Nauna nang naghain ng Senate Resolution No. 194 si Ejercito na naglalayong imbestigahan ang nakaaalarmang pagtaas ng kaso ng kidnapping, abduction at pagkawala lalo na ng mga kababaihan, Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) workers, at mga Filipino-Chinese individuals.
Partikular na pinaimbestigahan ang umano’y pagkidnap sa isang Chinese national sa Skyway at ang dokumentadong pag-torture sa isang biktima na tinanggal ang tenga.
Anya,dapat maberipika kung tunay ang nasabing mga video para masolusyunan ang problema at hindi magdulot ng panic sa publiko lalo na sa sektor ng mga negosyante.
- Latest