Government emergency vehicles lang ang libre sa toll fee -- TRB
MANILA, Philippines — Pawang mga emergency vehicles lamang ng gobyerno na may official business ang exempted sa toll fee.
Ito ang inihayag ni Toll Regulatory Board (TRB) spokesman Julius Corpuz bilang reaksiyon sa report na isang private firetruck na nagresponde sa isang sunog sa Bulacan ay pinagbayad ng toll fee nang dumaan sa North Luzon Expressway (NLEX).
Sinabi ni Corpuz na ang mga exempted lamang sa pagbabayad ng toll fee sa expressways ay mga government vehicles na emergency vehicles tulad ng public ambulances; firetrucks; clearly marked vehicles ng Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police at Bureau of Jail Management and Penology; clearly marked Land Transportation Office at Land Transportation Franchising and Regulatory Board impounding vehicles.
Anya, ang mga nabanggit ay dapat nasa kanilang official business at dapat magpapakita ng kanilang official trip ticket sa toll booths.
Niliwanag naman ni Corpuz na bagama’t ang mga private emergency vehicles ay hindi exempted sa toll fees, ang toll operators naman ay nagbibigay sa kanila ng leeway para gamitin ang expressways ng libre.
Anya, upang masolusyunan ang ganitong sitwasyon ay kailangang abisuhan ng mga toll operators ang kanilang mga empleyado sa toll lanes na payagan ang mga emergency vehicles public man o pribado para makadaan ng expressways ng libre.
Noong nagdaang linggo, isang trak ng bumbero ng Marikina Filipino-Chinese Fire Brigade Volunteers ang reresponde sa isang sunog sa Calumpit, Bulacan ang pinahinto sa NLEX Mindanao toll plaza at pinagbayad. -
- Latest