Pati pagbuburol, pagsasampay, pagtitinda may parusa ang maliligo, maglalaba sa bangketa
MANILA, Philippines — Nakatakdang patawan ng parusa ang sinumang maliligo, maglalaba, magsasampay ng mga damit, magtitinda, magbuburol ng mga patay at iba pa sa mga bangketa sa bansa partikular na sa mga urban areas.
Ito ay kung sakaling mapagtibay ang panukalang batas House Bill (HB) 1252 o ang Penalizing the Used of Sidewalks for Commercial and Personal Purposes na isinusulong ni 5th District Pangasinan Rep. Ramon Guico Jr. sa Kamara.
Sinabi ng solon na sa halip na magamit ang mga sidewalks ng mga pedestrian ay marami sa mga pasaway na netizens ang dito pa naliligo, naglalaba, ginagawang sampayan ng damit at pinagtitindahan.
Ang masaklap pa ay may mga nagbuburol pa ng kanilang mga namayapang mahal sa buhay sa mga bangketa na nakakagambala pa sa mga dumaraang mga tao.
Bukod sa ginagawang parking area ng mga behikulo at bisekleta ang mga sidewalks ay mayroon ding mga shoe repair at samu’t-saring mga negosyong pangkalye at iba pa.
Sinumang lalabag sa panukalang batas ay mananagot sa ilalim ng Local Government Code at pagmumultahin ng hindi bababa sa P100,000 at hindi hihigit sa P 500,000.
Kapag napagtibay na ang panukalang batas ang Secretary ng Interior and Local Government ang magtatakda ng mga kinakailangang panuntunan at regulasyon sa epektibong implementasyon ng nasabing batas.
- Latest