Ateneo shooter inilipat na sa BJMP custodial facility
MANILA, Philippines — Nai-turn over na ng Philippine National Police sa Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Custodial Facility sa Payatas, Quezon City ang suspek sa pamamaril sa Ateneo de Manila University (AdMU) na si Dr. Chao-Tiao Yumol, kahapon.
Si Yumol ang suspek sa pagpatay sa dating mayor ng Lamitan City na si Rose Furigay, kanyang executive assistant na si Victor Capistrano at rumespondeng guwardya sa Ateneo de Manila University na si Jeneven Bandiala noong Linggo.
Bago ang paglipat mula sa Quezon City Centralized Custodial Facility, dumaan muna si Yumol sa X-ray at physical examination.
Ayon sa PNP, nakatakda na rin sa susunod na linggo ang arraignment ni Yumol para sa mga kasong tatlong bilang ng murder, frustrated murder, carnapping, at malicious mischief na kinakaharap nito.
Samantala, inilibing na rin ang ama ni Yumol na si Mang Rolando, 69, noong Biyernes ng hapon matapos pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang salarin sa harapan ng kanilang tahanan sa Lamitan City.
Inihatid ng mga kaibigan at kakilala sa kanyang huling hantungan ang mga labi ni Rolando sa bakanteng lote na pag-aari rin ng kanilang pamilya sa Lamitan City.
Humihingi na rin ng tulong ang pamilya Yumol sa pulisya dahil sa takot na iisa-isahin na silang patayin ng mga salarin.
Mariin na ring pinabulaanan ng pamilya Furigay na may kinalaman sila sa naturang krimen.
Umapela rin ang pamilya sa pulisya na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang matukoy ang may kagagawan sa pagpatay sa ama ni yumol, gayundin ang motibo sa krimen.
Samanatala, pinaigting ng Philippine National Police ang seguridad sa Basilan kasunod ng naganap na pagpatay sa ama ni Dr. Yumol na si Rolando sa Lamitan City.
Ipinag-utos nitong Sabado ni PNP Officer-in-Charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. ang paghihigpit sa seguridad sa lalawigan matapos na mapaslang ng riding-in-tandem assassins ama ni Yumol sa kahabaan ng Rizal Avenue, Brgy. Maganda, Lamitan City nitong Biyernes ng umaga.
Tiniyak din ni Danao sa publiko na “on top of the situation” ang PNP sa Basilan habang patuloy ang masusing imbestigasyon sa naturang kaso.
Naglagay na rin ang PNP ng mga checkpoints sa lalawigan upang madakip ang mga suspect na maaaring dumaan sa mga lugar. - Joy Cantos
- Latest