Kontrobersiyal na vape bill ganap nang batas – Malacañang
MANILA, Philippines — Kinumpirma ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na nag-lapsed into law o naging ganap na batas na ang kontrobersiyal na vape bill.
Ito ay matapos na hindi pinirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang nasabing panukalang batas.
Ang isang panukalang batas na hindi tinintahan ng Pangulo makaraan ang 30 days of receipt ay otomatikong nagiging batas.
Sa ilalim ng Vape Law o Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act, ire-regulate nito ang importasyon, manufacture, sale packaging, distribusyon, pagbebenta at communication ng vaporized nicotine at non-nicotine products pati na ang novel tobacco products.
Una nang niratipikahan ng Kamara at Senado ang panukala noong Enero 26, 2022.
Layunin ng batas na pababain ang edad para sa vape access matapos isulong ng mga advocates ang paggamit ng vape bilang alternatibo sa sigarilyo.
Sa dating batas, hindi pinapayagan ang mga may lasa na vape, at ang mga naturang produkto ay maaari lamang ibenta sa sinumang higit sa 21 taong gulang.
Sa ilalim ng bagong batas, ililipat ang regulasyon ng mga vape products sa ilalim ng Department of Trade and Industry mula sa Food and Drug Administration at pinabababa rin nito ang edad ng pagbebenta mula 21 sa 18.
Inaatasan din ang DTI na kumunsulta sa FDA para sa pagtatakda ng mga teknikal na pamantayan para sa kaligtasan, consistency, at kalidad ng mga produktong vape.
Matatandaan noong 18th Congress naipasa ang Vape bill, pero hindi ito napirmahan ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
- Latest