Maraming residente lumikas sa patuloy na pag-alburoto ng Bulkang Bulusan
MANILA, Philippines — Patuloy na dumarami ang bilang ng mga residente na lumilikas dala ng matinding takot, dahil sa pag-aalburoto ng Mt. Bulusan sa Sorsogon.
Ayon kay Radeen Dimaano, Sorsogon Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO) chief, hanggang alas-2:00 ng hapon kahapon ay nasa 475 residente mula sa Juban at Bulusan ang nadala na sa mga evacuation centers. Ang mga evacuees ay lubhang sinalanta ng ashfall simula nang pumutok ang Bulkan Bulusan noong Hunyo 5 at Hunyo 12.
Nabatid pa kay Dimaano na madaragdagan pa ng bilang ng mga evacuees dahil marami pang residente ang handang lumikas dahil sa inaasahang mas malakas na pagsabog sa mga susunod na araw.
Mahigpit ang kanilang koordinasyon sa Philippine Institute of Volcanology (Phivolcs) personnel sa Sorsogon kung saan sa pinakahuling bulletin, 106 volcanic quakes ang nakita ng ahensiya at pabagu-bago ang parameters ng bulkan na isang indikasyon ng abnormal na galaw nito.
- Latest