Director ng ISELCO na dawit sa pagpatay sa misis ng judge, nagpakamatay
MANILA, Philippines — Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbaril sa sarili ang isang board of director ng Isabela Electric Cooperative (ISELCO) II na unang idinawit sa pagpatay sa misis ng judge, kamakailan.
Kinilala ng Ilagan City-PNP ang nagpakamatay na si Michael Paguirigan, 59, residente ng Barangay Sta. Barbara, Ilagan City,Isabela dala umano ng matinding konsensya.
Sa ulat, alas-4:15 habang nakaupo sa sala si Paguirigan ay nagbaril ito sa dibdib at itinakbo sa ospital, subalit idineklarang dead-on-arrival.
Si Paguirigan, kasama si General Manager David Solomon Siquian ay unang idinawit ng mga nadakip na gunmen na sina Barry Bulan, 43, at pinsan na si Jervy Bulan, 36, ng Calamagui 1st, Ilagan City na nag-utos umano sa kanila para patayin si Agnes Palce, asawa ng isang hukom at ISELCO II Internal Audit Manager noong alas-5:00 ng hapon ng Mayo 25.
Nitong May 28 ay tuluyang sinampahan ng kaso ang dalawang suspek at itinuturing ng pulisya na lutas na ang kaso at kahapon ay inihatid na sa kanyang huling hantungan si Palce. - Victor Martin
- Latest