DOH: Mag-ingat vs sakit sa tag-init
MANILA, Philippines — Sa pag-anunsyo ng PAGASA ng ganap na pag-uumpisa ng dry season o panahon ng tag-init ay pinag-iingat naman ng Department of Health ang mga Pinoy sa mga sakit na dulot ng mainit na panahon.
Sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang patuloy na pag-inom ng tubig sa gitna ng tagtuyot ay makatutulong sa publiko na makaiwas sa mga sakit tulad ng heat stroke.
“Pagka ang summer andito na, ang lagi nating paalala sa mamamayan ay lagi ‘yung dehydration. Laging uminom ng tubig, iwasan ‘yung sobra o labis na exposure sa init ng araw dahil magkakaroon po tayo ng heat stroke o heat exhaustion,” paalala niya sa publiko.
Ipinunto ni Duque na mas madaling ma-dehydrate ang mga matatanda dahil wala na silang sensasyon sa uhaw.
Sinabi pa ni Duque na maaari ring maiwasan ang sunburn kung ang mga nagsasagawa ng mga aktibidad sa labas ng bahay sa gitna ng tirik na sikat ng araw ay gagamit ng payong at maglalagay ng sunblock.
Payo niya pa na mas mainam na lumabas sa mga oras na hindi tirik ang sikat ng araw.
- Latest