Vax card sa mall ‘di na kailangan sa Alert Level 1
MANILA, Philippines — Hindi na kailangan pang magpresenta ng COVID-19 vaccination cards ang mga pupunta at papasok sa mga malls sa mga lugar na nasa ilalim ng Alert Level 1.
Ito ang paglilinaw na ginawa ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary at Spokesperson Jonathan Malaya kahapon kasunod nang pagre-require pa rin ng ilang malls ng vaccination cards sa mga taong pumapasok sa kanilang mga establisimyento.
Ipinaliwanag ni Malaya na ang mga vaccination cards ay required lamang sa mga establisimyento na ikinukonsidera bilang 3Cs o ‘closed, crowded, at close-contact venues,’ gaya ng mga restaurant, spa, at mga sinehan.
Gayunman, walang nakikitang masama si Malaya kung may ilang malls na mag-require pa rin ng vaccination cards sa entrance.
Pinayuhan rin naman niya ang mga malls na upang maiwasan ang kalituhan ay sundin na lamang ang payo ng Department of Trade and Industry (DTI).
Hinikayat rin ni Malaya ang publiko na dalhin na lamang ang kanilang vaccination cards saan man sila magtungo kahit na hindi na required ang mga ito para sa mass transportation, dahil maaari aniyang kailanganin nila ang mga ito sa ilang establisimyento o iba pang transaksiyon.
Inihayag pa ni Malaya na tatalakayin ng DILG ang naturang bagay sa mga local government units (LGUs).
- Latest