P100 milyong pabahay sa Odette victims, kaloob ng NHA
MANILA, Philippines — Naglaan ang National Housing Authority ng halagang P100 milyon para sa pabahay ng bawat lalawigan na winasak ng bagyong Odette.
Sa kanyang talumpati sa Cebu City, inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang Department of Interior and Local Government (DILG) ang mamahala sa pagbibigay ng pondo na manggagaling sa NHA upang matiyak na magiging maayos ito.
Ang militar at pulisya ang mangangasiwa naman sa pagmamantine sa kaayusan at katahimikan sa maayos na pagkakaloob ng pabahay.
“The military and the police will be there to maintain peace and order. That’s the only reason, nothing else. They’re just there to ensure discipline so that government workers can do their job well,” ani Duterte.
Ang NHA ay magkakaloob ng P100 milyong halaga ng construction materials.
Ang Department of Budget and Management (DBM) naman ay naglabas ng P1 bilyong financial assistance sa mga sinalanta ni Odette para muling makabangon mula sa epektong dinulot sa kanilang kabuhayan ng naturang bagyo.
Sakop ng financial assistance ang Region IV-B (MIMAROPA), Region VI (Western Visayas), Region VII (Central Visayas), Region VIII (Eastern Visayas), Region X (Northern Mindanao), at Region XIII (Caraga) na naisailalim na sa state of calamity ng pamahalaan. - Malou Escudero
- Latest