111 katao nalason sa payout ng PULI at LK sa Quezon
MANILA, Philippines — Nasa 111 katao kabilang ang ilang kawani ng pamahalaang panlalawigan ng Quezon na dumalo kahapon sa isang malaking pagtitipon sa Quezon Convention Center ang nalason sa hindi pa batid na kadahilanan.
Ang mga nalason na patuloy na inoobserbahan sa Quezon Medical Center sa Lucena City na pawang kaanib ng Provincial Union of Leaders against Illegalities (PULI) at ng Luntiang Katipunero (LK) at nagmula pa sa mga bayan ng Infanta, Tagkawayan, Tiaong, Calauag, Guinayangan, San Francisco, Dolores, Pagbilao, Lucban, Atimonan, Perez, Panukulan, Candelaria, Mauban, Lopez, Sariaya, Plaridel, Burdeos, Perez, Polillio, Sariaya, Quezon, Quezon, lungsod ng Lucena at Tayabas.
Ayon sa ulat, ang insidente ay naganap habang isinasagawa ang payout ng honorarium sa may apat na libong kasapi ng PULI at LK.
Nabatid na matapos mag-almusal ng pritong itlog, hotdog at kanin ay bigla umanong nakaramdam ng pagkahilo hanggang sa nagsuka ang mga biktima.
Isinugod ang mga biktima sa Quezon Medical Center kung saan sila ay ini-admit sa mga kwarto na noon ay pinaglagyan ng mga COVID patients matapos lapatan ng paunang lunas.
Sa kanyang Facebook account ay humihingi ng paumanhin si Governor Danilo Suarez sa mga nalason at sinabing isolated cases lamang ang mga ito.
- Latest